Kuya kinatay sa pagpapakabayani

Nabalot ng dugo ang ginawang pag-awat ng isang kuya sa pag-aaway ng kanyang mga kapatid makaraang saksakin ito hanggang sa mapatay ng nakababa­tang kapatid na lalaki, habang sugatan naman ang kapatid nitong babae at pamangking lalaki sa Quezon City, kahapon ng hapon.

Hindi na umabot nang buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng malalim na saksak sa ­kaliwang dibdib ang biktimang si Carlito Galang y Zamora, 51, habang sugatan naman sa tinamong tama ng saksak sa kanang dibdib ang kapatid nito­ na si Angelica Magbanua y Galang, 52, at ang pamangking si Christian Magbanua y Galang, 28, single, call center at pawang naninirahan sa No.14-AIB Sagada St. Brgy. Sto. Domingo, ng nasabing lungsod.

Mabilis namang naaresto at kasalukuyang nakakulong ang suspek na si ­Arnel Galang y Zamora, 48, ­single, jobless at naninirahan din sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) sinabi ni PO2 Jim Barayoga, may hawak ng kaso na nangyari ang krimen dakong alas-kuwatro ng hapon.

Lumilitaw na bago nangyari ang krimen ay nag-aaway na ang biktimang si Angelica at suspek na si Arnel hanggang humantong umano ang pag-aaway sa pananaksak ng suspek sa kanyang Ate Angelica.

Dahil dito, nagsisi­gaw umano ang biktima­ at humi­ngi ng saklolo na narinig ng kuya nilang si Carlito at agad itong namagitan para awatin ang nagwawalang suspek, suba­lit sa halip na magpaawat ay lalo umano itong nagalit sa pakikialam ng kanyang kuya kaya’t ito ang pinagbalingan ng saksak sa kaliwang dibdib.

Sa puntong ito ay umawat din ang kanilang pamangkin na si Christian subalit binalingan din ito ng saksak ng suspek.

Sa kasalukuyan, hindi­ pa malinaw sa imbestigador ng CIDU kung ano ang tunay na motibo ng pag-aaway ng magkakapatid kaya’t patuloy pa rin ang ginagawang im­bestigasyon ng mga awtoridad.