Dahil sa kalasingan, napatay ng isang ginang ang nakatatandang kapatid na lalaki sa Brgy. Tranca, Bay, Laguna kamakalawa.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Bay District Hospital ang biktimang si Silverio Iglesias y Punzalan, 49-anyos, residente ng nasabing barangay.
Naaresto naman ng mga pulis ang kapatid nitong si Mylene Iglesias y Punzalan, 45-anyos, kapitbahay ng biktima.
Batay sa imbestigasyon ng Bay police, nagkasagutan at nag-away muna ang magkapatid nang matapos ang mga ito sa kanilang pag-iinuman dakong alas-singko nang hapon.
Humantong sa pananaksak ng suspek ang marahas na away ng magkapatid at nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Agad isinugod ng sumaklolong mga barangay offficial sa ospital ang biktima samantalang tumakas muna ang kapatid bago ito naaresto ng mga pulis sa follow-up operation.