Nagtataka si Pauline Mendoza kung bakit daw tinalakan ng mga fan ni Kyline Alcantara ang kanyang mga tagahanga.

“Nakarating po kasi sa akin na tinalakan at sinigawan ng fans ni Kyline ang mga fan ko sa PMPC Star Awards for TV kamakailan. Nandoon po kasi ang mga fan ko kahit na hindi ako nakarating sa awards night,” say ni Pauline nang makausap namin sa thanksgiving party niya na ginanap sa Music 21 last Saturday.

Magkaaway ba sila ni Kyline kaya ganoon na lang ang himutok ng kani-kanilang mga fan?

“Wala naman kaming away ni Kyline. Okey naman po kami. Actually, pupunta po talaga ako sa awards night, pero biglang may nangyari na hindi ko puwedeng sabihin kaya hindi na ako nakarating sa awards night.

“Masayang-masaya po talaga ako na nominate ako kahit na nag-uumpisa pa lang po ako sa showbiz. Isang karangalan na po’ yun sa akin kahit hindi ako ang nanalo,” say pa ni Pauline
Nagpapasalamat si Pauline sa PMPC na napansin ang kanyang kakayahan sa pag-arte. Ganoon din sa GMA Artist Center na nangangalaga ng kanyang showbiz career.

“Salamat po talaga sa PMPC. Isang karangalan na po ‘yung ma-nominate ako, ganoon din sa Artist Center na hindi pinababayaan ang aking career. Pagkatapos po ng ‘Kambal, Karibal’ ay isama nila ako sa Cain at Abel . Suwerte ko nga laging sa primetime ang serye nasasamahan ko,”aniya.

Tsika pa ni Pauline, naka-five days na raw sila ng taping. Super bait nga raw ni Dingdong sa kanilang lahat sa taping.

“Nagulat nga po talaga ako dahil kilala pa po ako ni Kuya Dingdong. Akala ko makakalimutan na niya ako. Ganoon din po si Ate Marian (Rivera). Gusto ko pong lapitan at batiin si Ate Marian pero nahihiya po ako. Nagulat ako nang tawagin niya ako at tawagin ang aking pangalan. Napapanood po pala niya ako sa Alyas Robinhood noon kaya kilala niya ako,” naka­ngiting say pa ni Pauline.