La Loma ayaw pakabog bilang ‘lechon capital’

Kahit maraming bersiyon ng lechon ang nag­lalabasan ay nananatili pa ring winner ang La Loma pagdating sa lechon.

Kaya naman punum-puno noong nakaraang linggo, Mayo 19 ang La Loma sa Quezon City para saksihan ang kanilang taunang Lechon festival kung saan pinakatampok na aktibidad ang ‘Parada ng mga Lechon.’

May kani-kaniyang gimik ang mga nakibahagi sa parada kaya inaabangan ito ng mga dumadayong customer ng mga litsunan.

Sa ginanap na parade nakaraang linggo, ang mga lechon ay naka-national costume habang may iba namang naka-uniporme ng pang-bumbero at sakay ng karosa.

Maliban sa parada ng lechon ay nagkaroon ng prusisyon ang patron ng La Loma na si Nuestra Señora de Salvacion na sinundan ng iba’t ibang pa-kontes katulad ng street dance, culinary, boodle fight.

Pinaka-pinale ng okasyon ay ang makulay at bonggang fireworks display kinagabihan.

Ginanap ang kauna-unahang lechon festival noong taong 2000 sa ilalim ng pamumuno ni Monchie Ferreros, da­ting president ng La Loma Lechoneros Association (LLA) at may-ari ng Monchie’s Lechon.

Dahil tinangkilik ang nasabing kapistahan ay sinuportahan ito ng noon ay dating QC Mayor na si Feliciano Belmonte kaya’t idineklara nitong ‘Lechon Capital of the Philippines’ ang La Loma,QC dahil sa dami ng nagnenegosyo ng lechon.

Sa ilalim naman ng pamumuno ni QC Ma­yor­ Herbert Bautista ay idineklara niya ang La Loma bilang major tourist destination.

Suportado rin ito ng konseho ng QC na nagtulak sa paglikha ng centra­lized slaughterhouse para maayos ang sanitation at madagdagan ang mga turismo sa lugar.

Isa namang lecho­neros ang nagbahagi ng kanyang tagumpay sa Phi­lip­­pine News Agency (PNA).

Ayon kay Aling Nelia, mahabang panahon bago nila nakamit ang tagumpay sa pagli-litson.

Bago umano kasi siya pumasok sa pagli-lechon ay nariyan na ang Mila’s, Ping Ping, Mang Tomas, Bulacenas, Monchie’s at siya ang pina­kabago noong mga panahon iyon.

Ngayong 2019 ay nasa ika-22 taon na Aling Nelia’s Lechon niya.
Sinabi rin ni Aling Nelia na ang unang apat na taon niya sa negosyo ay matumal dahil sa napakaraming problemang kanyang kinaharap kabilang ang pagbaba­yad sa kanya ng pekeng pera, talbog na tseke at kung anu-ano pang kadahilanan.

Ibinahagi din ni Aling Nelia ang ilang tips para mapanatiling malutong ang lechon.

Unang-una rito ani Aling Nelia ay mahalagang punasan ng mantika ang balat ng lechon para lagi itong malutong at maging katakam-takam.

Sa ngayon ang mga panindang lechon sa La Loma ay nagkakahalaga ng P9,000 hanggang P16,000.

Para madagdagan ang kita maliban sa lechon ay nagluluto na rin ng iba pang ulam si Aling Nelia at iba pang lechoneros sa La Loma.

Kaya naman patok na patok pa rin ang mga ulam nilang mula rin sa baboy ang mga putaheng katulad ng kare-kare, dinuguan.