LA nakadale pa ng 2 award

Sa kaagahan ng 2019 season, naging Ironman ng PBA si LA Tenorio nang tuhugin ang 600 straight games.

Miyerkoles sa Cuneta Astrodome, dalawang milestone pa ang dinagdag ng point guard ng Ginebra sa kanyang resume.

Sa first quarter lang ng 103-91 win ng Gins kontra Blackwater, magkasunod na nilista ni Tenorio ang kanyang 1000th 3-pointer at 800th steal.

“Another milestone … it just shows na I’ve been in the league for quite a while,” pahayag ni Tenorio na sinundan ng tawa. “I’m really honored and really blessed to be part of that group of players na naka-achieve din ng milestone.”

Si Tenorio ang sixth pick overall ng San Miguel Beer noong 2006.

Para sa 35-anyos na 5-foot-9 guard, selebrasyon na rin ng buhay na tumagal siya sa PBA.

Sa pang-627 straight game niya, naglista ang dating playmaker ng Ateneo ng 20 points, 7 rebounds at 5 assists.

Si Tenorio ang seventh player overall na naglista ng 1000 3-pointers at 800 steals, pangalawa sa active players lang na nakagawa nito.

Una sa 1000 3s si James Yap, at sa 800 steals si Chris Ross. (VE)