Muling pinadugo ni Robert Bolick ang puso ng kanyang dating team na La Salle.

Sinalpak ni Bolick ang panelyong three-pointer upang bitbitin ang San Beda sa 75-72 panalo kontra Green ­Archers kahapon at sakmalin ang ­korona sa Filoil Flying V Preseason Premier Cup seniors division sa The Arena, San Juan City.

Dahil sa panalo, kinumpleto ng Red Lions ang 11-game sweep, pangatlo sila sa nakagawa nito sa premier preseason event para sa college teams.

Nakaraang taon, winalis din ng La Salle ang lahat ng kanilang mga ­nakalaban.

Naghahabol ng tatlong puntos ang San Beda, 69-72, may 1:17 na lang sa fourth quarter, kumana si AC Soberano ng tres para itabla ang iskor bago ang pamatay na trey ni Bolick.

Sa unang pagkikita ng San Beda at La Salle sa nasabing conference, si Bolick din ang nagpalupaypay sa Green Archers.

Pagkatapos ng laro nila sa elimination sinabi ni Bolick na may gusto ­siyang patunayan kapag kalaro nila ang La Salle.