La Salle luhod sa JRU

Maagang nambulaga ang JRU sa FilOil Flying V Preseason Premier Cup, itinumba ang pinapaborang La Salle 85-81 kahapon sa The Arena sa San Juan.

Tumikada si Teytey Teodoro ng 17 points at ­nilista ng Heavy Bombers ang unang panalo laban sa ­defending champion Green Archers na ibinabandera ang pambato nilang si Ben Mbala.

Bumakas sina Jed Mendoza at Darius Estrella ng 15 at 11 markers para sa JRU.

Tabla ang iskor sa halftime 42-42, nagpakawala ang Heavy Bombers ng 9-2 run para hawakan ang nine-point lead 78-69 sa fourth quarter.

Muntik pang malusaw ang lamang ng JRU sa payoff period, kumana si Aljun Melecio para sa Archers at naibaba sa dalawang puntos ang hinahabol 83-81 kulang 2 minutes sa laban.

Pero kumana si Gio Lasquety ng isa sa kanyang dalawang free throws at dalawang puntos kay MJ de la Virgen at naselyuhan ang panalo ng Kalentong-based squad.

“Sabi ko sa kanila walang mawawala sa atin ‘pag natalo kami, pero may mapupulot tayo sa kanila,” wika ni JRU coach Vergel Menesses.

Tumikada si Mbala ng 22 points, 16 rebounds at two blocks, may 17 at 13 points sina Melecio at ­Ricci Rivero.