Isa sa malalaking pagkilala na mabibigay ng isang sports organization ay mailagay ang jersey ng isang manlalaro sa kanilang stadium.

At ito ang eksaktong ginawa ng De La Salle University community para sa yumaong Olympian paddlewielder Ian Lariba.

Nilagay ang jersey ng table tennis player sa rafters ng Enrique Razon Sports Complex para magsilbing inspirasyon sa lahat ng mga Lasalista, maging kahit ‘di mga atleta.

“Medals, trophies may get tarnished. A champion­ lives on. Her determination and perseverance are worth emulating for all Lasallian athletes and all Lasallians,” bulalas ni Bro. Bernie Oca, FSC.

Ang pangalan ni La­riba ay kahilera na ng La Salle greats na sina basketball legends Lim Eng Beng, Renren Ritualo at Kurt Bachmann, kasama pa si volleybelle Manilla Santos.

Sa table tennis stint ni Lariba sa paaralan, nanatiling walang dungis si Lariba mula 2011 hanggang 2016, dahilan para maging MVP sa tatlong UAAP season.

Taong 2016 naman nagbunga ang sakripisyo niya, naging unang Pinoy netter na nakapag-Rio de Janeiro Olympics. Pero matapos ang isang taon ay na-diagnose ng acute myeloid leukemia ang dalaga at nasawi noong Setyembre 2018. (Ray Mark Patriarca)