Tinuldukan ng University of the Philippines ang matagal nang pagkatalo sa La Salle nang pakainin ng alikabok ang ­defending champions, 25-22, 25-21, 25-19 sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan.

Umarangkada si Nicole Tiamzon sa atake at tumapos ng 16 points, nag-ambag ng 11 si Diana Carlos at umangat ang UP sa 3-0 win-loss record tabla sa National U sa No. 1.

Matapos ang siyam na taon at 16 na sunod na talo ay natikman na ng UP ang matamis na panalo kontra sa La Salle.

Tumaas ang presyon ni head coach Jerry Yee kaya si assistant coach Rald Ricafort ang humarap sa media para sa post-game interview.

“Medyo naka-two days kami na nag-discuss (ng game plan) ‘yung discussion na parang lecture talaga,” pahayag ni Ricafort.

“Talagang may mga power point pa silang pinresent, every player may sariling assignment kung paano basahin ang La Salle, alam namin na si coach Boc (Benson Bocboc) ay magaling sa stats at sa pag-scout kaya ang bawi namin ay collective e­ffort,” dagdag niya.

Huling nanalo ng titulo ang UP noong 1982 sa pangunguna ni dating senator Pia Cayetano.

Idiniin ni Ricafort na nagkataon lang na ang kanilang players ay nagma-mature na samantalang ang La Salle nama’y nasa ­rebuilding stage matapos umalis ng mga dating beterano na sina Ara Galang, Mika Reyes, Cyd Demecillo, Mika Esperanza at ­Carol Cerveza.

“Hindi naman sa kayang-kaya pero tingin ko, sumakto lang sa lineups ng parehong teams, pana-panahon,” sabi niya. “Sila ‘yung medyo maraming bata this year tapos kami naman ang medyo paangat after may mga bata last year.”

Wala sino man sa Lady Spikers ang umabot sa double-digit production nang limitahan sina Majoy Baron at Kim Dy sa tig-nine lang.

Nahulog ang La Salle sa 2-1, natabla ng mortal na karibal na Ateneo sa No. 3.

Samantala, nakuha naman ng University of Santo Tomas ang unang panalo nang sakmalin ang University of the East, 25-9, 25-22, 25-23.

Kumana si Ria Meneses ng 13 points sa Tigresses, may tig-12 sina EJ Laure at team captain Cherry Rondina.

Umangat sa 1-2 ang Tigresses tabla sa Far Eastern University sa No. 5.

May pinagsamang 12 points sina Mary Anne Mendrez at Jasmine Alcayde sa Lady Warriors, nanatiling winless sa tatlong laro.