La Trinidad gawing siyudad

Isusulong ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap na gawing lungsod ang munisipalidad ng La Trinidad, Benguet.

Naghain si Cong. Yap sa Kongreso ng House Bill (HB) No 6366 na naglalayong ma-convert bilang component city ang mga capital town ng mga lalawigan na walang component city sa kanilang territorial jurisdiction, gayundin ang HB No. 6367 na naglalayon namang i-convert ang munisipalidad ng La Trinidad bilang isang component city at kila­lanin ito bilang City of La Trinidad.

Ayon naman sa legislative caretaker ng lalawigan, ang mga mamamayan pa rin ng Benguet ang mayroong pinal na salita hinggil sa cityhood ng La Trinidad.

“Siyempre, nasa ating mga kababayan sa Benguet pa rin ang desisyon kung gusto talaga nila maging lungsod ang La Trinidad. Meron pa rin naman tayong plebesito. Ating isinumite lang ang dalawang panukalang ito para bigyan sila ng pagpipilian, bigyan sila ng boses,” paliwanag ni Yap.

“Gusto natin makilala ang La Trinidad bilang La Trinidad City, at hindi lang bilang ‘katabi ng Baguio City’. We want a unique identity for La Trinidad, and for Benguet as a whole,” aniya pa.