Idineklara nang election ‘hotspot’ ng Philippine National Police (PNP) ang lalawigan ng La Union dahil sa sunod-sunod na insidente ng pagpatay sa mga lokal na opisyal maging sa pulisya.

“For obvious reasons, it is already on our hotspot list. What happened there is not alarming, but we have to be concerned,” ayon kay PNP Director General Oscar Albayalde.

Ginawa ng pulisya ang hakbang matapos ang pananambang kay Balaoan Vice Mayor Al-Fred Concepcion na agad nasawi habang sugatan ang anak niyang si Mayor Aleli Concepcion.

Matatandaan na namatay din sa pananambang si Mayor Alexander Buquing ng Sudipen, La Union nitong Oktubre, gayundin si dating La Union 2nd district representative Eufranio Eriguel na napatay noong Mayo.

Kamakailan ay dalawang pulis naman ang sugatan sa engkuwentro sa armadong kalalakihan na umano’y suspek sa pag-ambush sa mag-amang Concepcion.

Kinilala ni Police Region 1–Public Information Officer 1 commander Mary Crystal B. Piralta sa Abante ang dalawang pulis na sina SPO3 Villamor Laya at SPO1 Darios Tajegas, na nakatalaga sa mobile patrol unit ng San Juan Police Station, La Union.

Sa datos ng PNP, 18 opisyal ng pamahalaan ang namatay o nasugatan mula Enero ng kasalukuyan taon.