Ang giyera laban sa iligal na droga ay hindi giyera laban sa buhay ng tao, kundi giyera para sa buhay ng bawat Pilipino.
Hindi rin ito giyera laban sa karapatang pantao, kundi giyera para protektahan ang karapatang pantao para masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng pamilyang Filipino.
Ganito ang naging depensa ni Senador Alan Peter Cayetano sa administrasyong Duterte nang mag-privilege speech noong Miyerkules (Agosto 31) sa mga alegasyong paglabag sa karapatang-pantao kasabay ng maigiting na kampanya ng pamahalaan sa iligal na droga.
Ang ginagawang ito ng gobyerno anang senador ay patunay lamang ng walang pag-aalinlangan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pangakong protektahan ang karapatang pantao ng bawat Filipino, taliwas sa sinasabi ng mga kritiko ng gobyerno.
Sa katunayan dahil sa matapang na polisiya ng gobyerno laban sa kriminalidad ay naging posible para sa pamilyang Filipino na makaramdam ng seguridad, partikular na dahil sa pagsagawa ng “all-out war” ng gobyerno laban sa droga.
Ayon nga sa senador, naging talamak ang kriminalidad sa mga nagdaang administrasyon kung saan ay may record na 1,000 hanggang 2,000 ang inisidente ng murder at homicide kada buwan.
Pero ang malaking kaibahan ay mga inosente ang nabibiktima ng mga kriminal at durugista, malayung-malayo sa nangyayari sa gobyernong Duterte ngayon na ang batas ang nananaig at tumutugis sa masasamang loob.
Inilatag na ang malaking kaibahan ng mga nangyayaring krimen noon at sa ngayon kaya wala kaming nakikitang dahilan para almahan ang masigasig na laban ni Pangulong Duterte laban sa iligal na droga dahil sa malaking kapakinabangang hatid nito sa buhay ng bawat mamamayang Filipino.
Naniniwala rin kami na dapat ay huwag nang kaladkarin sa isyu ng “extra-judicial killings” ang gobyernong Duterte dahil lumilikha lamang ito ng pagdududa sa kampanya ng ating pamahalaan na bukod pa sa idinudulot na negatibong epekto sa reputasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.