Labanan ng video at photo prop

Sa gitna ng rumaragasang giyera laban sa iligal na droga, may namumuo namang propaganda war sa anyo ng mga video at litrato laban naman kina Pangulong Rodrigo Duterte at numero unong kritiko nitong si Senador Leila de Lima.

Nagsimula ang video prop laban kay De Lima nitong nakaraang weekend kung saan inilabas sa social media ang umano’y birthday celebration sa New Bilibid Prisons (NBP) ng convicted drug lord na si Herbert Colangco kung san kabilang si De Lima sa mga bisita na nakipag-jamming pa sa singer na si Imelda Papin.

Kaagad namang naglabas ng press statement ang opisina ni Senador De Lima para linawin na ang ipinakalat na video ay birhday party niya sa Department of Justice (DOJ) noong Agosto 2015 at ang sinasabing si “Herbert Colangco” ay si Quezon City Rep. Alfred Vargas na taga-suporta ni De Lima.

Napanood ko ang naturang video at nagduda agad ako sa authenticity ng video dahil imposible ang ganoong klase ng birthday celebration sa NBP at ni wala kang makitang mga NBP prison guards sa paligid.

“The viral video showing Sen. De Lima singing was actually taken during her own birthday party at the DOJ quadrangle last Aug. 2015. The person who was claimed to be drug lord Colangco is really Cong. Alfred Vargas, who was one of the guests. Others who attended were emcee Imelda Papin, Usec. Jovy Salazar (shown at the foreground of the video) and DOJ employees,” paliwanag ng opisina ni De Lima.

Kaagad namang bumuwelta ang mga anti-Duterte at inilabas naman sa social media ang kuhang larawan ni President Rody at sinasabing drug lord na si Peter Lim na kapwa ninong sa kasal ng anak ng supporter ni Duterte sa Cebu na si Fernando Borja.

Si Borja ang may-ari ng Adnama Group of Companies sa Cebu at matagal ng kaibigan ni Duterte at malamang na siya ang naglapit sa kumpare nilang si Peter Lim na hinarap ng pangulo noong Biyernes sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Davao City.

Nito lang nakaraang Hunyo 25 naging magkumpare sina Duterte at Peter Lim at kasama nilang mga ninong at ninang sa kasalan sa Shangri-La Mactan Island Resort and Spa sa Lapu-Lapu City sina Senador Cynthia Villar at asawa nitong si dating senador Manny Villar.

Sa totoo lang, walang dapat ipaliwanag si Duterte kung naging kumpare man niya si Peter Lim dahil hindi naman siya ang pumili ditong maging katuang sa kasal kundi ang ama ng kinasal na si Beatrice Borja, na nag-iisang anak ni Fernando.

Ganito rin ang sitwasyon ni Senador Tito Sotto noong 1996 nang maging kumpare niya ang sinasabi ring drug lord na si Alfredo Tiongco, na may kuhang litrato rin sa senador na nalathala pa sa Philippine Daily Inquirer.

Dahil sa iskandalo kay Tiongco ay nadiskaril ang planong pagtakbo ni Sotto bilang bise presidente ni Gloria Macapagal-Arroyo na napilitang maging running mate ni Speaker Jose de Venecia noong 1998 elections kung saan si Vice President Joseph ‘Erap’ Estrada ang nanalo.

Hindi ko lang alam kung may epekto kay Duterte ang pagiging kumpare ni Peter Lim lalo pa’t may campaign promise ang Pangulo na tatapusin ang problema ng iligal an droga sa loob ng unang anim na buwan ng kanyang termino.