Labanan sa huling upuan

Bigyan ng proteksyon ang media

Boyet Jadulco

Higit isang buwan na lamang bago ang May 13 elections, mukhang alam na natin kung sino ang magiging topnother sa senatorial elections. Halos lahat ng mga pre-election survey, si Senador Grace Poe ang patok sa number one.

Masasabi na rin siguro nating safe ang mga nasa ikalawang puwesto hanggang sa ika-siyam na puwesto sa mga survey. Ang nakakakabog na labanan ay ang pukpukan sa 10th, 11th at 12th seat ng Senado. Sa huling survey ng Pulse Asia, sina da­ting Senador Ramon Bong Revilla Jr., Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang umookupa sa mga puwestong ito.

Kahit pasok na ang tatlo sa Magic 12, nasa striking distance naman sina dating Senador Jinggoy Estrada, Atty. Francis Tolentino at Senador Bam Aquino, ibig sabihin ay malaki din ang pag-asa nilang manalo sa darating na halalan.

Kumbaga sa karera, kailangan na nilang humataw para manalo sa halalan. Hindi rin puwede ang mabigat na bagahe dahil sa magpapahina ito sa kanilang tsansa.

Sa pagitan nina Revilla, Marcos at Pimentel, mukhang ang senador mula sa Min­danao ang namemelig­ro. May bitbit din na bagahe si Revilla pero laking tulong ang pagkadismis ng kasong plunder niya sa Sandiganbayan. Inulan din ng batikos at black propaganda si Marcos pero matatag sa Magic 12.

Masasabing nakalalamang si Marcos dahil sa nagawa niyang pagpapaunlad sa Ilocos Norte – mula sa dami ng trabaho na naibigay sa mga Ilocano bunsod ng pagpapalago ng turismo. Malaki rin ang naitulong ni Marcos sa mga magsasaka kaya’t naging maunlad ang agrikultura, na siya ring dahilan kung bakit isa ito sa kanyang adbokasya.

Malaking plus din sa kandidatura ni Marcos ang tinatawag na ‘Solid North.’ Binubuo ito ng mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Cagayan at Isabela.

Si Pimentel naman ay patuloy na minumulto sa kawalan niya ng leadership noong panahon na siya ang pangulo ng Senado at naging sunod-sunuran na lang sa Malacañang, dahilan kung bakit din siya sinipa ng mga kasamahang senador. Bagamat siya ang lider ng administration party PDP-Laban, hindi rin ito makatulong ng malaki sa kanyang kandidatura.

Ito’y dahil sa nagtalunan sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) ang mga incumbent local government official kaya’t karamihan sa naiwan sa PDP-Laban ay mga politikong kailangan pang manalo sa darating na halalan.

Mainit ang labanan sa huling upuan. Ito ang puwesto kung saan madalas na iprotesta ang nanalo sa 12th seat sa Senado.