Nakatakdang magsagawa ng kilos-protes­ta ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong upang iprotesta ang pagpapa-recall ng Department of Labor and Employment (DOLE) kay labor attaché Jalilo dela Torre.

Nitong Biyernes, i­nu­tusan umano ni Labor Secretary Silvestre Bello III si Dela Torre na umuwi na sa Pilipinas.
Suspetsa ng labor attaché, konektado ang recall order sa hindi niya inaprobahang job order ng bar dancer mula sa kilalang Filipino talent importer/supplier.

Ngayong wala na si Dela Torre, kahit na sinong ipalit sa puwesto ay maaaring palusutin ang job order ng bar dancer.
Nitong mga nagdaang araw ay naglunsad ng kampanya si Dela Torre laban sa mga recruiter na bumibiktima sa mga OFW sa Hong Kong na pinanganga­kuan ng malaking suweldo sa Russia.

Mariin namang iti­nanggi ni Bello na kaya niya ipina-recall si Dela Torre ay dahil sa hindi inaprobahang job order ng bar dancer.

“Not true,” ayon sa text message na ipina­dala ni Bello sa Tonite.

Ang kilos-protesta ng mga OFW laban sa ginawang pagpapauwi ng DOLE secretary sa labor attaché ay gagawin sa Mass Mutual Tower sa Wanchai ngayong Linggo, ayon sa pahayagang The Sun Hong Kong.

“Kasama ng iba pang mga grupo ng Filipino community sa Hong Kong, kami ay nananawagan sa lahat ng ating mga kababa­yan na sumama sa kilos protesta sa Linggo, sa ibaba ng POLO, upang tutulan ang recall ni Labatt Dela Torre,” ayon sa statement ni Eman Villanueva, chairman ng Bayan Hong Kong and Macau.

“Balita din namin na isang taga-Davao regional office ng DOLE ang ipapalit. Malinaw na mas mahalaga ang palakasan sa administrasyon at hindi ang interes ng mga kababayan na magkaroon ng mga tapat na lingkod-ba­yan kagayan ni Labat­t Dela Torre,” dagda­g ni Villanueva.