Nabulabog at nagkagulo ang mga nagkakasiyahan kustomer habang nag-iinuman sa loob ng isang KTV bar makaraang pumasok ang tatlong kalalakihan at basta nalang umano inatake ng saksak sa hindi pa malamang dahilan ang isang construction worker na naging sanhi ng kamatayan nito sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa imbestigasyon ni PO3 Elario Wanawan, nakilala ang biktima na isinugod sa San Lorenzo Hospital at inilipat sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital kung saan binawian ito ng buhay sanhi ng malalim na saksak sa kaliwang kilikili na si Ferdinand Nava y Cariaga, 23, single, tubong Nueva Vizcaya at nakatira sa Blk. 27, Lot 6, Phase 2, BBF Homeowners Association, San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan.
Nadamay din ang kasamahan nito nang masaksak sa katawan subalit nasa ligtas nang kalagayan, na si Warren Alvarado y De Castro, 19, estudyante, ng Blk.7-A. Lot 6, Chera Del Sueno, Brgy. Santo Cristo, SJDM.
Nakilala naman ang mga nakatakas na suspek na tinutugis na ng mga awtoridad na sina Imman Martinez y Dalumpines, Julius Bryan Tadioan y Ignacio, kapwa naninirahan sa 28-Recoletos St., New Intramuros Village, Brgy. Old Balara, Quezon City at Bryan Bendevel y Banzon ng Brgy. San Roque, Tala, Caloocan City.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng Last Subject KTV Bar sa Hilltop, Brgy. Lagro, Quezon City.
Sa pahayag ng mga kasamahan ng biktima na sina Ron Ely Supe, John Luis Ignacio, at Alvarado masaya silang nag-iinuman nang pumasok ang mga suspek at bumunot ng patalim ang isa sa mga ito at tinarakan sa kaliwang kilikili si Nava.
Inakala marahil ng mga suspek na papalag si Alvarado kaya’t sinaksak din ito.