Laborte, Lastimosa aakuin ang opensa ng Sta. Lucia

Tatapak sa court at itotodo ng Sta. Lucia ang lakas kahit hindi pa 100 porsiyentong naka-recover ang pambato nilang sina Filipino-American MJ Philips at Chin Basas.

Sasabak ang Lady Realtors laban sa Smart sa pagbubukas ng Phi­lippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Oktubre 30 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Ayon kay head coach George Pascua, nagpapagaling pa rin ang kanyang top spiker na si Philips at Basas sa kanilang injuries pero nakahanda sila kontra Giga Hitters.

May Achilles tendon injury si Philips habang si Basas ay nagpapagaling sa kanyang ear at shoulder injuries, pareho silang sumasailalim sa therapy.

“We may be dealing with injuries, but we’re ready to go,” saad ni Pascua, “MJ and Chin are not yet in 100 percent, but some players are ready to step up. We know that the All-Filipino is such a tough tournament, but we’re more than ready to compete and show that we belong.”

Inaasahang sasandalan ni Pascua ang kanyang veterans na sina Michelle Laborte at Pam Lastimosa, kasama sina Rubie de Leon Carlota Hernandez, Jeanette Villareal, Rebecca Rivera, Roselle Baliton, Jackie Estoquia at Jhoanna Maraguinot.

Sinabi rin ni Pascua na misyon nilang sumampa sa semifinal sa event na suportado ng Isuzu, Sogo, Senoh, Asics, Mikasa, Mueller, UCPB Gen at Bizooku kasama ang ESPN5, Aksyon at Hyper HD bilang broadcast partners.