Walang plano si Senador Panfilo Lacson na patulan pa ang mga patutsada ni dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon dahil wala umano siyang magiging laban dito matapos na kumuha pa umano ito ng dalawang PR firm.
Ayon kay Lacson, kung papatulan pa umano niya si Faeldon na may dalawang humahawak na PR firm ay wala naman siyang kalaban-laban.
“Alam ko namang nag-hire siya ng PR firm, dalawa ang kanyang PR firm, alam mo naman kapag may PR firm gastos ‘yan, eh wala naman akong pantapat sa kanya na panggastos, kaya kung papatol ako tapos may nag-handle sa kanyang PR firm, ano naman ang laban ko,” ayon pa kay Lacson.
Dahil dito, ayon sa senador, iniiwasan na niya umanong makipagpalitan ng salita sa halip ang sinasagot lamang ay ang isyung ipinabato sa kanya.
“Umiiwas akong makapagpalitan o makipagtunggali sa kanya through media, ang sinasagot ko lamang ay kung ano ang isyu. Stick lang ako sa isyu,” ayon kay Lacson.
Una nang inakusahan ni Faeldon si Lacson at anak nitong smuggler na itinanggi naman ng senador.
Ang akusasyon ni Faeldon ay matapos na isiwalat naman ni Lacson sa kanyang privilege speech na kasama si Faeldon na tumatanggap ng ‘tara’ sa BOC.