Hindi pabor sina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Richard Gordon sa plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ilabas ang listahan ng mga opisyal na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Ayon kina Lacson at Gordon, mas makabubuting sampahan muna ng kaso ang mga isinasangkot sa droga bago ilabas ang kanilang mga pangalan upang hindi mahaluan ng pamumulitika.
Iginiit pa ni Lacson na hangga’t walang ebidensya at hindi pa rin validated ang talaan ay maaari lamang itong gamitin para sa intelligence purpose upang maging batayan sa case build-up para maihain na ang anumang kaso sa mga kasama sa listahan.
“Making it public is unjust and unfair to those who may be delisted later, worse after the May elections. This has happened before and it could happen again,” ani Lacson.
Sinabi naman ni Gordon na kung hindi pa nakakasuhan ang mga ilalabas sa narco-list ay tiyak na sasabihing pamumulitika lamang ito at kinalaunan ay balewala rin.
“‘Yun na nga ang ilulusot du’n (pamumulitika), alam ko nga meron eh, kung meron tirahan mo na kasuhan mo na, dahil hindi maganda na parang may politika ngayon lalabas ‘yan. If you don’t have enough proof puwedeng notoriously undesirable,” diin ni Gordon.