Lacson sa BFF ni Du30: May kaibigan bang nagbabanta?

Kung tunay na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Chinese President Xi Jinping, bakit humantong sa bantang giyera ang hirit ng una na maghukay ng la­ngis sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang tanong ni Sen. Panfilo Lacson kay Pa­ngulong Duterte matapos aminin ng huli nitong Biyernes na binantaan siya ni Xi na gigiyerahin ng China ang Pilipinas kapag itinuloy ang paghukay ng langis sa WPS.

“If we want to be friendly with China, it can still be pursued. But sabi ko nga, friendship should be based on goodwill. Hindi pwedeng ang magkakaibigan, nagte-threaten,” katuwiran ni Lacson, vice-chairman ng senate committee on national defense and security.

Aniya, hindi dapat palagpasin ng gobyerno­ ang bantang ito dahil maaari itong iakyat sa United Nations (UN) tulad ng naging suhestiyon ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio.

“Justice Carpio is right. Dapat i-bring up ito sa attention ng UN. After all, China is a member. Member pa nga siya­ ng Security Council ‘di ba? So dapat i-pursue natin dahil ‘di maganda ‘yan. Friendship should be based on goodwill. Pero where can you find goodwill kung may threat of going to war in case na ang claims i-pursue natin, to explore based on what we believe is ours,” giit pa ng senador na kabilang sa majority bloc sa Senado.

Nanindigan naman si Lacson na walang ginawang mali si Pangulong Duterte nang sabihin nito sa pakikipag-usap niya kay Xi sa Beijing may isang linggo na ang nakaraan na maaaring maghukay ng langis ang Pilipinas sa WPS.