Lacson: SC magdesisyon sa ayuda ng mga nasa GCQ

Tanging ang Supreme Court (SC) lang ang makapagpapasya kung maaari pang tumanggap ng cash subsidy ang mga mahihirap na pamilyang nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson matapos ihayag ng Malacañang na tanging ang mga pamilya na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) lang ang puwedeng tumanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash subsidy para sa buwan ng Mayo.

Ayon kay Lacson, ang intensiyon ng probisyon ng Bayanihan to Heal as One Act ay ibigay ang cash assistance sa mga nawalan ng trabaho at kita bunsod ng COVID-19 pandemic.

“Ang Supreme Court lang naman ang pwedeng mag-interpret niyan kung tama ba o hindi na itigil na ang ayuda doon sa mga lugar na nagtratrabaho na `yung mga tao,” pahayag ni Lacson sa panayam sa dzBB.

Nauna nang inihayag ng gobyerno na ipatutupad ang modified ECQ sa National Capital Region, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Eicja, Pampanga, at Zambales mula Mayo 16 hanggang Mayo 31.

Ang Cebu City at Mandaue City naman ay inilagay sa ECQ hanggang sa katapusan ng buwang ito habang ang ibang lugar sa bansa ay isinailalim na sa GCQ.

Habang ang mga nasa GCQ area ay hindi makakatanggap ng pangalawang bugso ng cash subsidy, kuwalipikado naman aniya dito ang nakapailalim sa MECQ.

Ayon kay Lacson, maaaring magpasa ang Kongreso ng supplemental budget para sa pagbibigay ng karagdagang cash subsidy sa dagdag na limang milyong pamilya.

“Pwedeng supplemental budget nga `yun kasi ang covered ng Bayanihan Act ay 18 plus million families,” ani Lacson.

“So kung madadagdag ng 5 million families, tama `yun, hihingi talaga sila ng panibagong authority by way of a supplemental budget kasi hindi hagip ng Bayanihan Act `yung 5 million families,” wika pa ng senador. (Dindo Matining)