Inatasan na ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Supt. Joselito Esquivel Jr, ang kanyang mga tauhan na ili­pat na si Vicente Ladlad at isa pang kasama nito sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa Bicutan, Taguig.

Ang kautusan ay matapos aprubahan ni Regional Trial Court Branch 93 Presiding Judge Arthur O. Malabaguio ang ‘commitment order’ na may petsang Nobyembre 15, 2018 ni Ladlad at kasamang si Alberto Villamor.

Nakapaloob sa kautusan na mula Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ay ili­lipat sa MMDJ Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City sina Ladlad at Alberto habang ang asawang si Virginia Villamor ay mananatili naman sa Quezon City Female Dormitory sa loob ng Camp Karingal.

Itinakda naman ni Judge Malabaguio ang arraignment at pre-trial para sa mga akusado sa Nobyembre 23, 2018.

Kamakailan lamang ay pinigil ni Senior Assistant City Prosecutor Manuel Luis P. Felipe ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9516 o Unlawful Possession of Explosives na walang piyansa at paglabag sa Sec. 28(c)at (e) ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may piyansang P150,000 bawat isa at paglabag sa RA 10591 na may piyansang P200,000.

Magugunitang naa­resto si Ladlad kasama ang mag-asawang Villamor at nakumpiska sa kanila ang iba’t-ibang mga high-powered firearm, assorted ammunition, hand grenade at subersibong dokumento.