Patay ang isang babaeng barker na ginagamit umano ng pulisya sa kanilang ope­rasyon sa iligal na droga­ nang pagbabarilin ng hindi­ pa nakikilalang mga lalaki­ na sakay ng dalawang­ ­motorsiklo habang nagtatawag ng pasahero sa mga nakapilang jeep sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO3 Edgar Manapat ng Calooca­n City police, ganap umanong alas-otso ng gabi nang mangyari ang insidente sa kanto ng MacArthur Highway at Kalye Uno Street.

Nagtatawag umano ng mga pasahero ang biktimang si Mary Ann Vergara, 40, barker at residente ng Vergara Street, Barangay 81 ng nasabing lungsod nang dumating ang dalawang riding in tandem na may mga kaangkas at pumarada sa tabi ni Vergara. Nang makababa sa motorsiklo ay doon na pinaulanan ng bala ang biktima saka mabilis na nagsitakas.

Hindi bababa sa tatlong bala mula sa hindi pa nala­lamang kalibre ng baril ang bumaon sa katawan ng biktima na agad dinala ng mga residente sa lugar sa Caloocan City Medical Center ngunit nasawi rin habang binibiyahe.

Isang kakilala naman ng biktima na tumangging magpakilala ang nagsabi na bukod umano sa pagiging police asset ay tagapaghatid din ng supply na shabu ang biktima sa mga jeepney drivers, bagay na kinukumpirma pa ng pulisya.

Mariin namang pina­bulaanan ng anak ng biktima na si Denice Ligsay na sangkot sa bentahan ng illegal drugs ang ina.

Na-recover ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) ang anim na empty shells mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa crime scene.