Mahirap mapantayan ang ginawang record ng National University Lady Bulldogs sa nakalipas na limang season sa UAAP women’s basketball.
Sa nabanggit na panahon, wala pang koponang nakakahanap ng sikreto sa matibay na kalasag ng Lady Bulldogs na kinuha ang kanilang ika-80 sunod na panalo sa liga patungo rin sa kanilang ikalimang sunod na kampeonato.
Tila wala sa kanilang bokabularyo ang salitang talo.
Sa pangunguna nina coach Patrick Henry Aquino, at Finals MVP at national team player Jack Danielle Animam, nasungkit ng NU ang record bilang may pinakamahabang winning streak sa UAAP, inungusan ang Adamson women’s softball team na may 73 wins.
Dahil sa makasaysayang feat, ipagkakaloob sa buong koponan ang President’s Award sa gaganaping SMC-PSA (Philippine Sports Association) Annual Awards Night sa Peb. 26 sa Manila Hotel.
“Theirs is an inspiring story of what individual talent coupled with the right chemistry can do. The National University Lady Bulldogs certainly deserve this accolade, which comes at a time when the PSA also recognizes five young ladies as its co-winners of the Athlete of the Year award,” bulalas kahapon ni PSA president Eduardo ‘Dodo’ Catacutan ng SPIN.ph.
Sa nasabing parangal, maihahanay ang NU women’s basketball team kina Manny V. Pangilinan, Gilas Pilipinas 3.0, Ateneo Blue Eagles, kasanggang National University Bulldogs, pool champions Rubilen Amit, Dennis Orcollo, at Lee Van Corteza, na naging mga recipient na ng karangalan.
Matatanggap naman nina Asian Games 2018 medalist weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, mga golfer na sina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go ang pinakamataas na parangal na igagawad sa nasabing event.
Nasa 75 awardees ang kasama sa honor roll na binubuo ng Lifetime Achievement Award, National Sports Association of the Year, Executive of the Year, Special Awards (Mighty Sports Mr. Basketball, Mr. and Ms. Volleyball, and Mr. Football), Major Awards, Citations, Tony Siddayao Awards, Special Recognition, Posthumous, MILO Junior Athletes of the Year, at Mr. Fan Favorite ‘Manok ng Bayan’ Award.