Walang awang nilapa ng National University Lady Bulldogs ang University of the East Lady Warriors, 92-53, nitong Miyerkules para ilista ang malinis na walong panalo sa UAAP Season LXXIX women’s basketball sa Filoil Flying V Centre.
Nanakmal ng 26 points si reigning MVP Afril Bernardino, may 24 markers at 10 rebounds si Gemma Miranda at kumana si Jack Aminam ng double-double performance na 15 points, 20 boards para sa Lady Bulldogs na hindi pa natatalo mula noong 2014.
Lumagpak sa pangatlong puwesto ng team standings ang Lady Warriors bitbit ang 5-3 card.
Kumapit sa second spot ang La Salle sa 7-1 karta matapos takasan ang Adamson, 76-74.
Pinangunahan ni skipper Camille Claro ang Lady Archers sa nilistang 26 points. Nag-ambag si Khate Castillo ng 14, at bumakas din si Snow Peñaranda ng 13 markers at 17 rebounds.
Dinagit ng Ateneo ang 54-39 panalo laban sa Far Eastern University, pinigil ng University of Sto. Tomas ang University of the Philippines, 70-62.
Magkasalo sa fourth place ang Lady Eagles, Tigresses at Lady Falcons sa 3-5 records.
May 2-6 baraha ang Lady Tamaraws, pasan ng Lady Maroons 1-7 win-loss slate.