Makukumpleto lang ang selebrasyon ng National U Lady Bulldogs kung maidadagdag nila sa back-to-back titles ng Shakey’s V-League Collegiate Conference ang mailap na dream championship – ang UAAP.

Matapos sapawan ang Ateneo Lady Eagles sa tatlong laro para sagpangin ang V-League title noong nakaraang season, kumpiyansang nagmartsa ang Lady Bulldogs para Season 78 wars. Pero naging mailap ang korona ng collegiate league, hindi nga nakarating sa Final Four sa season na iyon.

Ngayong may isa na naman silang V-League crown, napaypayan ang pag-asa ng NU na habulin ang titulo. Dadalawa pa lang ang UAAP women’s volley titles ng Lady Bulldogs, huli noon pang 1957.

“I’m not saying that we’ll win the UAAP title,” ani Jaja Santiago, giniyahan ang Lady Bulldogs sa V-League championship ngayong taon at tinanghal na Conference MVP. “I’m just trying to say that we now have the confidence to accomplish it unlike before when we played tight and nervous.”

Kita na ni NU assistant coach Edjet Mabbayad na nagki-click ang teamwork ng Lady Bulldogs, hindi umaasa sa individual talents. Lumabas ito sa 19-25, 25-18, 25-22, 21-25, 15-4 decision sa Lady Eagles na kumumpleto sa Finals sweep sa PhilSports Arena Miyerkules ng gabi.

Hindi bumigay sa pressure sa finale ang NU, at dahil intact ang roster nila kina Santiago, Aiko Urdas, Jorelle Singh, Jasmine Nabor, Risa Sato, Gayle Rose Valdez at Roma Joy Doromal ay masasabing handa na ngang habulin ng Lady Bulldogs ang mailap na UAAP crown.

Sa buong kampanya sa V-League, 11 players ang ginamit ni Mabbayad dahil wala na sina Myla Pablo, Ivy Pe­rez at Rica Diolan.

“We played with only 11 players and we will play with the same 11 in the UAAP,” lahad ni Mabbayad.