Nadale ng Dugo-Dugo Gang ang isang policewoman at natangayan ng mga alahas na umaabot sa P400,000.00 ang kabuuang halaga kamakalawa sa Muntinlupa City.
Ini-report sa pulisya ng 47-anyos na si SPO2 Alma Santa Ana, nakatalaga sa Regional Service ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), ang insidente.
Sa ulat ng Muntinlupa Police, lumitaw na alas-4:49 ng hapon nang may tumawag sa bahay ni Santa Ana na nakatira sa Brgy. Sucat ng naturang lungsod at ang kasambahay nitong si Rufa Anave, 19-anyos, ang nakasagot.
Katulad ng modus operandi ng Dugo-Dugo Gang, sinabi ng tumawag na nasangkot sa aksidente ang kanyang amo at nakumbinsi si Anave na kunin ang mga alahas ni Santa Ana upang hindi ito makulong.
Sinira umano ng kasambahay ang lalagyan ng mga alahas ni Santa Ana saka isinilid ang mga laman nito sa isang bag at dinala sa isang convenient store sa Better Living Subdivision, Parañaque City kung saan nakipagtagpo sa kanya ang isang lalaki at isang babae.
Huli na nang malaman ni SPO2 Santa Ana na nabiktima ng Dugo-Dugo Gang ang kanyang kasambahay.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Muntinlupa Police ang insidente sa pag-asang matukoy ang mga suspek na nambiktima sa kasambahay ng policewoman.