Lady cop, wanted sa ‘love triangle’

Ipinag-utos na ng Quezon City Police District (QCPD) ang manhunt operation sa isang lady cop na suspek sa pagpatay sa asawa ng karelasyon nitong babae.

Kinilala ni QCPD Director Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar ang suspek na si PO1 Wealyn M Ojastro, isang rookie police woman na nakatalaga bilang beat patroller sa PCP-2 ng Novaliches Police Station (PS-4).

Si Ojastro ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa biktimang si Mark Kevin Tumbaga noong March 27 sa Noval Street, Barangay Sauyo, Novaliches.

“We act swiftly on police abuses once reported to us. We will never tolerate the few abusive policemen who ruin the public image and respect for honest and hardworking cops,” ani Eleazar.

Tinitignang anggulo sa krimen ang posibleng ‘love triangle’ dahil karelasyon umano ng lady cop na si Ojastro ang asawa ng napatay na si Tumbaga.

Ang suspek na pulis ay nakalista sa Station’s Administrative Holding Section (AHS) matapos itong mag-absent without official leave o AWOL.