Ang pinakaimportanteng laro sa kasalukuyan, nailusot ng Ateneo.

Binawian ng Lady Eagles ang San Sebastian College 25-22, 25-23, 25-17 sa sudden death match para dagitin ang huling ticket sa semifinals ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena sa Pasig kagabi.

Nakaungos sa first two sets ang Ateneo bago ibinuhos ang lahat ng armas sa third para makaiwas sa isa pang pagguho tulad nang nangyari sa group stage eliminations nang mapakawalan ang 13-point lead at yumuko sa Lady Stags 25-23, 25-22, 25-23.

Sa third set kagabi, muling lumayo ang Lady Eagles 22-14 bago bahagyang nakabawi ang San Sebastian nang kunin ang sumunod na tatlong puntos sa mishits ni Kim Gequillana at attack ni Dangie Encarnacion.

Gumanti ng back-to-back hits si Bea de Leon, bago tinapos ni Ana Gopico ang kalaban sa matutulis na kills na hindi kinayang pigilin ni Lady Stags libero Alyssa Eroa sa back row.

“We were more confident out there and we didn’t rattle much in crucial situations,” ani Gopico.

Tumapos si Gopico ng 15 hits kabilang ang 11 attack points at four aces para sa Ateneo, haharapin sa final four ang top seed FEU. Sa isa pang pares ng best-of-three series ay magtutuos ang defending champion No. 3 NU at No. 2 UP.