Lady ex-vice mayor dinakma sa estafa

arrested

Kalaboso sa isinagawang entrapment operation ang dating bise alkalde, matapos itong ireklamo ng isang businesswoman sa Valenzuela City, Huwebes nang gabi.

Sa isinumiteng ulat ni P/Lt. Armando De Lima, head ng Station Investigation Unit kay P/Capt. Albert Juanillo, chief ng Station Investigation and Detective Management Branch, kinilala ang hinuling si Evelyn Hernandez alyas Jing, 55, taga-1098 Concolacion St., Brgy. Malinta ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ni PCPL. Kenneth Pacheco, bago nadakip si ex-vice mayor Jing, lumapit kay Lt. De Lima ang businesswoman na si Emma Domasig Salas, 56, biyuda, taga-Brgy. Punturin, Valenzuela City.

Kuwento ng biyuda, lagi raw siyang tinatawagan ng suspek at kinukulit na mag-invest sa Casha­gutan People’s Health Club ng halagang P100,000.
Nang iberipika sa Security and Exchange Commission (SEC) ang inaalok na investment ay nadiskubreng wala itong license to operate.

Dahil minsan na raw niloko ang biyuda ay ni-report na niya ito sa awtoridad para hindi na uli makapambiktima.

Nang iaabot na ni Salas ang P4,000 marked money sa isinagawang operasyon ay dinampot na ito ng mga pulis, dinala sa presinto at kinasuhan ng estafa. (Orlan Linde)