Nagpabonggahan ang mga Hollywood celebrity na dumalo sa 91st Oscars Academy Award na ginanap sa Dolby Theater sa Los Angeles, 9 a.m. oras sa Pilipinas. Nakaw-eksena sina Lady Gaga at Bradley Cooper nang awitin nila sa stage ang Shallow mula sa pelikula nilang ‘A Star Is Born’. Napag-alab nila ang damdamin ng audience dahil sa kanilang madamdaming pag-awit habang nanonood sa audience ang kasintahan ni Bradley na si Irina Shayk, isang Russian model.

Napanalunan ni Lady Gaga ang Best Original Song kung saan binigyan niya ng papuri ang kanyang actor/producer na si Cooper.

Nominado rin para sa Best Actor si Bradley pero tinalo siya ni Bohemian Rhapsody’s Rami Malek, at tinalo naman si Lady Gaga sa pagka-Best Actress ng bida sa The Favourite’s na si Olivia Colman.

Ayaw talagang tantanan ng mga Twitter user sina Gaga at Cooper kahit pa nga kitang-kita naman nila ang malagkit na titigan nina Bradley at Irina sa isa’t isa. Para sa kanila ay may malisya at kakaiba raw ang mga titig ni Gaga sa kanyang A Star Is Born co-star. Sinadya pa raw umupo ni Lady Gaga sa tabi mismo ni Irina. Kabilang sina Tristan Thompson, Khloe Kardashian, at Jordyn Woods sa mga artistang dumalo sa Oscars.

Napanalunan ni Regina King ang Actress in a Supporting Role para sa mahusay niyang pagganap sa If Beale Street Could Talk samantalang si Mahershala Ali, sa Green Book ang nakakuha ng Actor in a Supporting Role. Best Picture ang Green Book at nasungkit ni Alfonso Cuaron ang tropeo para sa pinaka-mahusay na Direktor para sa pelikulang Roma.

Masasabing big winner ang pelikulang Bohemian Rhapsody dahil nakapag-uwi ito ng apat na award. Bukod sa best actor ay nasungkit din ng pelikula ang Best sound editing (John Warhurst and Nina Hartstone), Best sound mixing (Paul Massey, Tim Cavagin and John Casali) at Best film editing (John Ottman).