Lady Maroons ‘boring’ pero nasa tuktok

Kinalos ng UP Lady Maroons ang College of Saint Benilde Lady Blazers 25-20, 25-12, 25-17 para sumalo sa liderato sa Group B ng 13th Shakey’s V-League Colle­giate Conference sa PhilSports Arena kagabi.

Bumira ng 10 spikes at dalawang blocks si Diana­ Mae Carlos para isalo ang Lady Maroons sa UST Tigresses sa 2-0.

Isang panalo pa ay swak na sa susunod na round ang UP, pero may kulang pa para kay head coach Jerry Yee. Wala raw improvement ang kanyang team kaya nasabi nitong pangit at boring ang kanilang laro.

Nag-ambag ng tig-siyam na puntos sina Nicole Tiamzon at Isabel Molde sa Lady Maroons.

Nakakaiyak na tig-limang puntos ang nirehistro nina Jeanette Pa­naga at Ariane Daquil para sa NCAA defending champion Lady Blazers, wala pang panalo sa tatlong laro.

Samantala, ­nahablot ng NU Lady Bulldogs ang solo liderato sa Group A matapos lapain ang TIP Lady Engineers 25-17, 25-17, 25-18.

Pumalo si 6-foot-5 Jaja Santiago ng 19 points kasama ang tatlong service aces at da­lawang blocks para sa defending champion Lady Bulldogs (2-0).

Tumipa rin sina Filipino-Japanese Risa Sato at Audrey Paran ng 10 at nine markers para sa NU.

Dausdos sa 1-1 ang TIP.