Hindi lahat ng mambabatas na dumadalo sa mga imbestigasyon ng kanilang kapulungan ay may alam sa isyung kanilang binubusisi.

Marami kasing pagkakataon na dumadalo lang ang isang mambabatas sa hearing upang magkaroon ng quorum kahit na hindi nila alam ang isyung pinag-uusapan sa pagdinig.

Ang resulta, ­parang nagiging dekorasyon lang sila sa hearing dahil nakaupo lang sila at hindi makapagtanong dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman sa pinag-uusapan.

Nangyari ito sa lady solon habang busy sa hearing ng kanyang komite. Pinakiusapan ito ng kapwa mambabatas na lumipat ng kuwarto upang magkaroon ng quorum sa kabilang komite.

Ang siste, nang tanungin ng media ang ating bida hinggil sa naging development ng naturang hearing, kumanta ba naman si lola at inamin na wala naman siyang alam sa isyung iniimbestiga­han kahit ito ay napakatagal nang panahon na binubusisi.

Inamin niya na nagpakita lamang siya dahil wala nang ibang mambabatas na maaaring makasama para sa quorum.
Pero, masipag at matiyaga naman ang ating bida at kapag tinanong ito sa mga isyu na hawak ng kanyang komite ay mauubos ang oras ng sinumang makakausap sa lawak ng kanyang eksplanasyon.

Clue: Ang ating bida ay mayroong letrang ‘I’ sa kanyang pangalan at apelyido as in Ina ng tahanan.