Sino daw itong miyembro ng Kamara ang hilig magpabatak ng kanyang mukha sa pagnanasang magmukha siyang bata sa paningin ng mga tao?

Hindi ka raw makakakita ng guhit sa noo ng mambabatas dahil sa ipinaayos niya ito sa kanyang doktor.

Kahit na nga raw ang pisngi, umbok na umbok, daig pa ang humps sa mga kalsada ng subdivision.

Akala ng hitad ay guwapa na siya sa paningin ng iba, ang hindi niya alam ay inookray na siya sa social media.

Eh paano ba naman kasi, halatang-halata ang pagpapabanat ng mukha ng kongresista dahil kahit naglalakad ito ay hindi man lang gumagalaw ang kanyang cheeks, kumbaga sa tong-its ay pirmis.

Grabe nga daw ang pagwakwak sa kanya ng netizens, iba ay ikinukumpara siya sa killer doll na si Chucky mula sa pelikulang Child’s Play o kaya ay si Annabelle mula sa horror film na Conju­ring.

Dedma lang daw si lady solon basta’t happy siya at may pumapansin pa sa kanya, ‘di katulad ng ex niya na ipinagpalit na siya sa mas bata.

Hulaan nyo na. Ang ama ng lady solon ay talo sa nakaraang eleksyon. May letrang G sa kanyang pangalan as in Google nyo na lang mukha niya.