Dinomina ng Ateneo ang San Sebastian 25-11, 25-13, 25-13 at pinaypayan pa ng Lady Eagles ang paghahabol sa semifinals ng Premier Volleyball League Collegiate Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan kahapon.

Mag-isang nilimliman ng Lady Eagles ang second spot sa Group A sa nilistang 3-1 card, sa likod ng NU (3-0). Nasa ilalim ng mga taga-Katipunan ang FEU (2-1).

Nasipa na sa kontensiyon ang Lady Stags (1-3) at JRU (0-3).

Sa gigil ng Lady Eagles, tinapos lang nila ang laro sa kulang isang minuto bago mag-isang oras.

Pinangunahan ng 12 points ni spiker Jules Samonte ang balanseng atake ng Ateneo, nakakuha pa ng tig-nine markers kina Kat Tolentino at skipper Bea de Leon. Ang nagbabalik mula foot injury na si Jhoana Maraguinot ay may kontribusyong eight.

Sa sobrang dominasyon sa laro, nagawang ipasok ng Ateneo sina Ana Gopico at rookie setter Dani Ravena. May iniindang hamstring injury si Gopico.

Sa first game, madalian ding pinasadsad ng UP ang San Beda sa straight sets 25-16, 25-19, 25-20 sa loob lang ng 62 minutes. Nasa second sa Group B ang Lady Maroons (3-1) sa likod ng Adamson (3-0).