Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
5:00 p.m. — Petron vs. F2 Logistics
7:00 p.m. — Generika vs. RC Cola-Army

Susubukan ng Petron na umarangkada sa solo lead sa pakikipagtuos sa F2 Logistics sa 2016 Asics Philippine Superliga Grand Prix presented by PLDT Home Ultera ngayon sa The Arena sa San Juan.

Galing sa straight-set win kontra Generika 25-18, 25-23, 25-14 noong opening, kakawala ang Tri-Activ Spikers sa defending champion Foton sa 1-0 win-loss record.

Muling magpapakitang gilas sa Petron sina Stephanie Niemer at Se­rena Warner, Aiza Maizo at Ces Molina.

Kulang sa tao ang Cargo Movers dahil hindi pa dumarating sa bansa ang isa pa nilang import na si Hayley Dora Spelman. Si top rookie pick Ara Galang ay nagpapagaling pa mula sa minor operation sa tuhod.

Sa pangalawang laro ay sisimulan ng RC Cola-Army ang kampanya para ibalik sa barracks ang korona.

Susugod sina Jovelyn Gonzaga, Royce Tubino, Tina Salak, Nene Bautista, Michelle Carolino at Rachel Anne Daquis para sa Lady Troopers sa pakikipagtuos sa Life Savers.

Nakakuha ng resbak ang RC Cola-Army kina Hailie Ripley at Kierra Holst, miyembro ng US juniors national team.

Pero hindi nagkukumpiyansa si RC Cola-Army coach Kungfu Reyes.

“Again, age na naman ang crucial factor para sa amin dito,” punto ni Reyes. “Intact ang team, lahat sila healthy, walang injury. Although mahihirapan kaming makuha ulit ang korona pero pagsisikapan namin.”