Lady Warriors, Power Smashers nangibabaw

Hindi naisalba ni Melissa Gohing ng Pocari Sweat ang bola matapos bumagsak habang napatingin ang kakamping sina Elaine Kasilag at Laine de Leon. Nakatingin din ang kalabang sina Alex Cabanos, Ivy Remulla at Coleen Bravo ng Creamline sa laro kahapon sa PVL Reinforced Conference sa San Juan. (Patrick Adalin)

Deretso ang Pocari Sweat sa ikatlong sunod nitong panalo nang hakbangan ang Creamline, 15-25, 25-18, 26-24, 25-19 sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Habang nahablot naman ng Power Smashers ang second straight win nang talunin sa tatlong sets ang Philippine Air Force, 25-23, 25-20, 25-22.

Buhat sa back-to-back losses ang defending champion Pocari sa pagsisimula ng season, pero agad ­nakabangon at ngayo’y 3-2 slate na ang hawak katabla­ ang Power Smashers sa No. 2 spot.

Ikalawang sunod na talo naman ito ng Cool Smashers na pinangungunahan ni Alyssa Valdez.

Bukod sa kanilang talento, naging bentahe para sa Power Smashers ang maraming errors ng Lady Jet Spikers upang ilista ang 3-2 karta at manatiling malakas ang tsansang makahirit ng laro sa Final Four.

Sinadalan ng Power Smashers ang opensa nina Arellano University stars Regine Arocha at Jovielyn Prado at University of Sto. Tomas spiker Dimdim Pacres.

Tumikada si Prado ng 16 points habang may 10 si Arocha.

“Focus at mabawasan lang ‘yung mga errors namin, malaki ang chance naming manalo,” wika ni power Smashers netter, Arocha.

Sinikap ng Lady Jet Spikers na pahabain ang kanilang buhay matapos nilang makalamang ng tatlong puntos sa third set, 11-8, pero naagaw ng Power Smashers ang manibela, 11-17, matapos humataw ng 9-0 run.

May huling kikig ang Air Force, naitabla nila ang iskor sa 19-all pero dahil sa kanilang mga errors ay tuluyan na nilang nalasap ang pang-apat na talo sa limang laro.