Isiniwalat na ng mga health expert na may negatibong epekto sa kalusugan at sa isip ng tao ang nararanasan sa araw-araw na maipit sa buhol-buhol na trapiko sa Metro Manila at sa iba pang lungsod.

Batay sa Coalition of Clean Air Advocates of the Philippine­s (CCAAP), masama sa kalusugan ng tao ang nalalanghap araw-araw na polusyon dulot ng usok na ibinubuga ng milyong sasakyan sa kalsada.

Nai-stress ang tao dahil sa magkahalong emosyon na kanyang nararanasan sa tuwing naiipit sa trapiko.

Ang epekto nito para sa isang ordinaryong empleyado, nababawasan ang productivity dahil stressed na nga ang isip at pagod pa ang katawan mula sa mahabang biyahe na dulot ng traffic kaya pagdating sa kanilang trabaho ay hindi kaagad maka-focus sa gawain.

Madalas makagalitan ng kanilang employer dahil nali-late. Maaring makatanggap lagi ng memo na posibleng umabot pa sa pagkatanggal sa kanyang trabaho.

Ang mga epekto naman ng traffic para sa mga kompanya, negosyo at industriya, nawawala ang productivity ng kompanya kapag ang isang empleyado ay hindi nakapasok na may mahalaga pa namang gawain sa araw na iyon.

Ang mga epekto naman nito para sa mga motorista o may-ari ng sasakyan, nadadagdagan ang budget para sa gasoline o krudo ng kanilang sasakyan dahil umaandar pa rin ang makina ng sasakyan kahit hindi naman tumatakbo dahil naipit sa traffic.

Nawawala ang disiplina sa lansangan dahil may ibang motorista na sa kagustuhang makarating na sa kanilang pupuntahan ay gumagawa ng paraan upang makaalis sa pagkaipit sa traffic.

May mga mungkahi ang grupong United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) ng ating kaibigang si RJ Javellana ukol sa matinding problema sa trapiko.

Ang mga hakbang umano na kailangang gawin ng pamahalaan ay kagaya ng pagtatalaga ng ahensyang magtatrabaho lamang para maayos ang sitwasyon ng traffic. Hindi na kaya ng MMDA na gampanan ang trabaho nito dahil marami na rin silang gawain.

Ipatupad ang mga itinatakdang polisiya sa ilalim ng Clean Air Act na matagal nang pinagtibay ngunit hindi pa ganap na naipatutupad.

Ayusin ang pag-i-schedule ng mga pagawaing ba­yan o infrastructure projects upang magkaroon ng maayos na daloy ng trapiko. May mga proyekto ang MMDA, DPW­H at mga pribadong kompanya na naghuhukay sa lansangan at ang iba ay ginagawa kung kailan panahon na ng pasukan sa mga paaralan at tag-ulan.

Ipatupad ang mahigpit na monitoring sa deadline ng mga infrastructure project. Kapag naaantala o delayed ang isang proyekto ay dapat patawan ng kaukulang disci­plinary measure ang kontraktor para matuto ang mga ito na sumunod sa deadline.

Pag-aralan ang paggawa ng mga infrastructure projects sa gabi upang mas mapabilis ang pagtatapos ng proyekto.

Linisin ang mga pangunahing lansangan at mga se­condary roads mula sa mga iligal na nakaparadang sasak­yan na nakakaabala sa daan kaya hindi madaanan lalo na sa panahon na may emergency gaya ng mga pasyenteng sakay ng ambulansya at fire trucks na reresponde sa sunog.

Dapat magpatupad ng isang batas kung saan inoobliga ang mga may-ari ng pribadong sasakyan na magkaroon ng sariling parking area sa loob ng kanilang sasakyan.

Ang walang mapaparadahan ng sasakyan ay kailangang magkaroon ng common parking area sa mga komunidad upang hindi na sila magpaparada sa bangketa o tabi ng kalsada.

Tiyakin na ang bawat kumukuha ng driver’s license ay dumadaan sa seminar upang malaman nila ang mga karapatan at kaakibat na responsibilidad ng isang taong nagmamaneho ng sasakyan.

Higit sa lahat, dapat ang bawat isa ay mayroong disiplina sa lansangan. Ang pamahalaan naman ay dapat tiyakin na ligtas sa korapsiyon ang mga nagpapatupad ng batas-trapiko at magkaroon ng agarang aksyon laban sa mga kurakot.