Laging nasa simbahan

Dear Dream catcher,
Ano po kayang ibig sabihin ng panagi­nip ko na lagi akong nasa simbahan.

Minsan po may kasama akong lalaki o kaya naman kasama ko patay? Natatakot din po ako minsan inaaya ako ng tatay ko na patay na sumama sa kanya. Ano po kayang­ mga ibig sabihin nun?
Ayca

Dear Ayca,
Ang recurring dreams ay nangangahulugang merong sitwasyon sa buhay mo na hindi mo tinatanggap at ito ang nagdudulot sa iyo ng stress. Nagpapaulit-ulit ang isang panaginip kung hindi mo pa rin naiko-correct ang sitwasyon o problemang kinakaharap.

Ang madalas mong panaginip na lagi kang nasa loob ng simbahan ay indikasyon na naghahanap ka ng spiritual­ guidance o mas malalim na gabay sa iyong buhay. Maaaring sa aktuwal na buhay ay dumaranas ka ng mahirap na sitwasyon kung saan pakiramdamdam mo ay tanging ang Diyos ang makakapagbigay sa iyo ng lakas at kalinawan. Maaari ring nasa punto ka na kinukuwestyon mo kung saan ka dapat lumagay pagdating sa iyong pananampalataya.

Puwede ring nasa isang yugto ka ng buhay kung saan marami kang hinahanap na kasagutan at hindi mo alam kung saan ka dapat pumunta.

Ang iyong paulit-ulit na panaginip tungkol sa simbahan ay nagpapahiwatig na kailangan mong maibalik ang iyong paniniwala maaaring sa iyong sarili o sa mga taong nasa paligid mo o maaari ring sa Nasa Itaas.

Ang lalaki naman na madalas mong nakikitang kasama mo sa simbahan ay representasyon ng iyong sarili.

Obserbahan mo kung ano ang ikinikilos ng taong iyong nakakasama sa simbahan, ano ang kanyang pinagkakaabalahan habang nasa simbahan? Nagdarasal ba ang lalaki o nakamasid lamang? Ang ginagawa ng lalaki sa iyong panaginip at kung ano ang ginagawa mo habang nasa simbahan ay puwede ring pagkunan ng koneksyon sa iyong paulit-ulit na panaginip.

Ang iyo namang namatay na ama ay bunga lamang ng iyong pangungulila. Sinabi mong gusto kang isama ng iyong ama pero hindi ito ang katotohanan. Sa halip ay mas malapit sa katotohanan na ikaw ang gustong sumama sa iyong ama.

Ang iyong panaginip ay nagpapakita ng matinding stress na pinagdaraanan.

Kailangan mo ng taong makakausap, isang taong pinagtitiwalaan mo at nakakaunawa sa iyo para siyang uma­lalay sa iyo sa anumang pinagdaraanan mong stressful na yugto ng buhay.

Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.