Laging panaginip si crush

Dream Catcher

May mga katanu­ngan lamang po sana ako. May crush po ako at lagi ko po siyang napapanaginipan. Dahil po ba lagi ko siyang iniisip? Nangangahulugan po ba ito na iniisip din niya ako? Bukod sa crush ko, lagi po akong nananaginip na umiiyak pero paggising ko ay hindi ko naman alam kung ano ang rason ng pag-iyak ko sa panaginip. Madalas nagigising ako na may luha pa sa mata at humihikbi.

 
Ang madalas mong panaginip tungkol sa iyong crush ay isang “wish fulfillment dream”. Nangyayari ito kung ang isang tao ang laging laman ng iyong isip. Sa tuwing nakikita mo ang crush mo, gumaganda ang araw at nagiging inspirado ka. Kaya naman hindi kataka-taka na hanggang sa iyong pagtulog ay siya pa rin ang laman ng pana­ginip mo.

Ang recurring dream mo tungkol sa iyong crush ay hindi naman nangangahulugan na iniisip ka rin niya. Sa halip, sa ngayon ay kumbinsido ka na siya ang katuparan ng iyong mga pangarap — parang ‘Prince Charming’ at talagang wish mo na maging kayo.

Pero ikaw lamang ang makakabatid kung may pagtingin din sa iyo ang crush mo. Ikaw ang nakakakita ng kilos niya kapag nagkakaharap kayo at kung magiging totoo ka lamang sa sarili mo at aalisin muna ang mga ilusyon at pantasya ay doon mo lamang masusukat kung may pagtingin din sa iyo ang taong laman ng iyong mga panaginip. Tiyakin mo muna kung “wishful thinking” lamang ang mga panaginip mo o kung totoong nararamdaman ng subconscious mo na merong mutual admiration sa inyong dalawa. Sa kabuuan, mas maganda pa rin na hintayin mong ikaw ang mapansin kaysa ikaw ang magpapansin.

Tungkol naman sa iyong mga pag-iyak sa panaginip, ito ay isang paraan ng iyong subconscious para makapag-release ng mga negatibong emosyon. Nabanggit mong meron kang pinagdaraanan at masyado kang napopokus sa mga negatibong aspeto ng buhay kaya naman ang iyong pag-iyak sa panaginip ay isang indikasyon na masyado nang nahihirapan ang iyong isip.

Sa pamamagitan ng panaginip, inilalabas mo ang mga negatibong emosyon kaya kahit paano ay nababawasan ang bigat na iyong nararamdaman kapag gising ka. Sa isang banda, nakakatulong ang pagluha mo sa panaginip. Nagbibigay ito ng balance sa iyong emosyon dahil nailalabas mo kahit sandali ang mga repressed emotion mo.

Bawat tao ay may kanya-kanyang pinagdaraanan —magkakaiba lamang ng bersyon. Dahil negatibo ang hinahanap mo, negatibo lamang ang nakikita mo. Subukan mo namang magpokus sa positibo. Bawat negatibong pangyayari, hanapan mo ng kahit katiting na positibo. Araw-araw ay gawin mo ito hanggang sa masanay kang maging positibo at may maaliwalas na pananaw sa buhay.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng gene­ral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispi­ritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.