Emosyonal si coach Yeng Guiao, apektado ang buong NLEX organization sa nangyari kay Kevin Alas.
Hindi pa lubusang naibabalik ang laro, inabot na naman ng ACL injury ang Road Warriors guard nitong Sabado.
Parehong kanang tuhod, sa parehong venue rin – Ynares Center sa Antipolo.
March ng nakaraang taon nang abutin ng season-ending ACL injury si Alas. Nakaka-limang laro pa lang siya sa Philippine Cup at sa season, bagsak na naman.
“Nalungkot kami ‘nung nabalitaan namin ‘yung diagnosis sa kanya,” pahayag ni Guiao pagkatapos ng praktis ng Team Pilipinas nitong Lunes. “The whole team, not just myself or the players, even the management and pamilya namin, nalungkot kami.”
Napapailing si Guiao dahil ngayon lang niya naengkuwentro ang ganitong injury, sa parehong tuhod, sa parehong venue, sa parehong side ng court.
“We know how hard Kevin worked to get back, to recover from the previous injury,” dagdag ng coach.
Walong buwan na namang mawawala si Alas, pero siniguro ni Guiao na nasa 27-anyos na produkto ng Letran ang suporta ng NLEX.
“We will be patient, we will wait for him until he comes back,” giit ni Guiao. “We will keep supporting him.”
Inumpisahan ng Road Warriors ang season-opening tournament sa 0-3 bago nakadalawang sunod na panalo.