Napapanahon itong pag-aksyon ni Senadora Grace Poe laban sa mga kolektor ng utang na gumagamit ng ‘unfair collection practices’.

Sa hirap ng buhay ngayon, marami ang kumakapit sa patalim sa pamamagitan ng pagkuha ng credit card upang mapunan ang pang-araw-araw na gastos ng kanyang pamilya.

Ngunit habang luma­laki ang utang sa credit card, lalo naman silang nababaon hanggang sa dumating sa puntong hindi na sila makapagbayad sa takdang oras at habulin ng debt collectors na kinontrata ng credit card companies.

Giit ni Poe, dapat talagang bayaran ang utang pero hindi dapat ito ma­ging lisensiya ng mga maniningil para i-harass at pahiyain ang mga nagkakautang alinsunod sa umiiral na Republic Act 10870 o ang Philippine Credit Card Industry Regulation Act.

Binaha raw kasi ng reklamo ang senadora hinggil sa ginagawang pangha-harass ng mga taong nangongolekta ng utang sa credit card kaya’t naghain na ito ng resolusyon upang mapaimbestigahan ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies ang bagay na ito.

“The lack of clear guidelines and dedicated implementation of exis­ting laws and regulations that would punish debt collectors gives them a wide latitude to harass, bombard borrowers with calls and text messages bordering on criminal acts, and engage in other unfair collection practices,” paliwanag ni Poe sa kanyang resolusyon.

Sa mga nakalap na impormasyon ni Poe, estilo ng collection agency na takutin ang may utang na naisampa na ang kaso at hinahawakan na raw ito ng isang law firm.

Minsan naman, pupunta pa sila sa bahay ng deb­tor na may kasamang barangay tagay este tanod upang puwersahin ang borrower na magbayad.

Minsan naman, pupunta sila sa bahay ng may utang at sasabihin na kukumpiskahin na ang mga gamit sa bahay kapalit ng utang sa credit card. Ang iba pang bulok sa estilo, tatawagan ang employer ng debtor para siraan ito at mapatalsik sa trabaho o kaya ay bahain ng text message na may nakabinbin nang warrant of arrest o hold departure order sa borrower.

Marami ang nagsumbong kay Poe na hindi na raw sila makatulog dahil sa pangha-harass ng mga hinayupak na kolektor. Ang iba naman, hindi na nagrereklamo dahil sa takot na lalo pa silang ipahiya ng mga kolektor ng utang.

Tiwala naman si Poe na magkakaroon din ng katapusan ang pananalbahe ng collection agency sa mga debtor kapag sinimulan na nilang busisiin sa Senado ang isyung ito.

Isa sa magiging aksyon ay ang pag-utos sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maglabas ng kaukulang guidelines upang maging gabay ng credit card companies at debt collectors sa paghahabol nila ng pautang at mga hangganan sa kanilang gawain.

Saludo tayo sa inisyatiba ni Poe at alam nating marami rin ang natutuwa sa ginawa niyang pag-aksyon laban sa mga salbaheng kolektor.

Hindi man banggitin ni Poe ang pamosyong linya ng ama niyang si Fernando Poe Jr., na “puno na ang salop, dapat ka nang kalusin”, nakikita naman natin na ito ang tinutumbok ng kanyang ginagawa laban sa mga abusadong kolektor.