Kinalampag ng Commission on Audit (COA) ang tanggapan ni Governor Ramil Hernandez hinggil sa mga paglabag ng Laguna Medical Center sa batas dahil sa kawalan ng maayos na waste management na nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga tao at kapaligiran.

Batay sa 2018 Annual Audit Report ng COA sa Laguna, nagsagawa ng ocular inspection ang kanilang audit team kasama ang Waste Management Officer ng Laguna Medical Center at nalaman na hindi sumusunod sa ipinag-uutos ng batas ang nasabing ospital sa pagtatapon ng kanilang mga basura.

Natuklasan umano ng mga state auditor na nabigo ang pamunuan ng ospital na magpatupad ng waste management practices alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 gayundin sa Health Care Waste Management Manual.

Sa kanilang ocular inspection, nakita ng audit team ang mga walang takip na basurahan, “unsorted radioactive, sharp and pressurized waste”, at mga “unmarked infectious waste container.”

Dahil walang takip, nakatiwang­wang umano ang mga basura na puwedeng kalkalin ng mga hayop at pamugaran ng insekto.

Kulang din umano ng ­si­gnage­ kung kaya’t may panganib ng infection at kontaminasyon, partikular ang sewage treatment plant at waste storage area ng ospital.

Batay sa RA 9003, ipinag-uutos na ang segregation o paghihiwalay ng mga basurang natutunaw at hindi natutunaw. Nakasaad din sa manual na kailangang idispatsa ng mga ospital ang mga hazardous waste sa loob ng dalawang araw o lagyan ng chemical disinfectant.

Ayon sa COA, nangako naman ang mga opisyal ng lalawigan na aaksyunan ang mga rekomendasyon ng ahensya at magpapatupad ng periodic compliance monitoring. (Allan Yves Briones)