Muling nakaranas nang trahedya ang mga residente ng isang barangay sa Laurel, Batangas na napinsala sa pagsabog ng Bulkang Taal, makaraang rumagasa ang baha at lahar sa kanilang lugar dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan noong Linggo ng hapon.
Kanya-kanyang salba ng mga kagamitan ang mga residente ng Brgy. Buso-Buso nang rumagasa pababa sa ilog ang magkahalong baha at putik na nagmula sa karating na highland area na sakop ng bayan ng Laurel at Lemery.
Dahil sa pagbaha ng mga waterway, umapaw na rin ang tubig at lahar sa mga kabahayan at kalsada.
Kabilang ang Brgy. Buso-Buso sa apat na barangay ng Laurel at Agoncillo na pinakagrabeng napinsala sa pagsabog ng bulkan noong Enero, kasama ng mga barangay ng Subic Ilaya at Bilinbiwang sa Agoncillo, at Banyaga sa Laurel.
Pinayuhan naman ng mga lokal na opisyal ang mga residente na pansamantalang lumikas at lumayo muna sa ilog ngayong panahon ng tag-ulan. (Ronilo Dagos)