Dear Editor:
Kahit sino ang ninanais ay kapayapaan. Ito ay para lang sa mga taong ang hangad ay kabutihan para sa lahat ng sambayanan. Kabutihan at kasaganaan ng bawat mamamayan ang tanging inaasam ng bawat sektor ng lipunan.
Hindi natin maiaalis sa ating Sandatahang Lakas na tayo ay ipagtanggol sa mga armadong grupong nais na tayo ay saktan, i-harass at alisin sa ating pagkatao ang ating karapatan.
Mandato nila iyan na tayo ay protektahan laban sa mga masasamang grupong naghahasik ng karahasan.
Ang CPP/NDF/NPA ay walang pakundangang gumagamit ng landmine samantalang ipinagbabawal ito at nakasaad sa kanilang nilagdaan sa International Humanitarian Law.
Pipirma-pirma sila tapos hindi nila tutupdin. Patunay lang ito na hindi sila tapat sa kanilang sinasabing handa nilang ipagkaloob ang kapayapaan.
MANUEL A. MORENO
Singalong, Manila
***
Dear Sir,
Apat na sundalo na naman ang napatay ng mga rebeldeng NPA sa isang engkwentro na naganap sa Compostela Valley. Samantalang dalawa naman sa hanay ng NPA ay namatay din. Meron pang 13 na sundalong sugatan na kasalukuyang ginagamot sa Camp Panacan Hospital.
Nagpasabog ang mga NPA ng improvised explosive device (IED) na ibinabaon sa roadside.
Siyempre sino ba naman ang sasantuhin ng IED ‘pag napadaan sa tapat nito, e bigla na lang sasabog ‘yon. Kinokondena ng AFP ang paggamit ng IED ng NPA sa pakikipaglaban, isa itong paglabag sa Ottawa at International Humanitarian Law o IHL.
Ang IED ay ipinagbabawal na gamitin hindi lang dito sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Kapag nagpatuloy sa pagsasagawa ng ganito ang mga NPA, nagpahiwatig ang pangulo na mawawala na ang peacetalk, at mag-aaway na lang ng another 45 years. ‘Pag nangyari ito, hindi maganda kasi mawawala na rin ang katiwasayan ng ating bansa lalo na sa Mindanao.
Mag-isip-isip naman kayo mga kapatid na rebelde para sa inyong pamilya.
RAY JOHN CAMBA
San Fernando City