Lahat ng sangkot sa PDAF ikakanta ni Napoles

Janet Napoles

Nakahanda umanong pangalanan ng tinaguriang pork barrel scam mastermind na si Janet Lim Napoles ang iba pang matataas na opisyales ng pamahalaan na sangkot sa fund diversion scheme.

Ito ang sinabi ng abogado ni Napoles matapos ang pakikipag-usap nito­ sa pamahalaan kaugnay ng posibleng pagi­ging state witness.

Ibinulgar ni Atty. Stephen David ang usapin matapos ang “exploratory talks” kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II sa posibilidad na ma­ging testigo sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) at foundations.

Sa sandaling maging state witness si Napoles, awtomatikong maibabasura ang kaso laban dito kabilang ang kasong plunder, malversation at iba pang kasong katiwalian na nasa Sandiganbayan.

Tiniyak pa ni David na magsasabi ng katotoha­nan si Napoles at ibubulgar ang marami pang pa­ngalan ng mga indibidwal kasama ang matataas na opisyales ng pamahalaan na mas mataas pa sa mga mambabatas.

“Even higher pa than lawmakers siyempre. Kung sino’ng involved dapat maano talaga… mas marami pa,” sabi ni David.

Idinagdag pa nito na noong panahon ni da­ting Pangulong Noynoy Aquino ay nakahanda na si Napoles na maging state witness subalit hindi ito nangyari dahil posibleng may maapektuhang kaalyado nito.

“Mayroong talks noong sa previous administration pero hindi nga natuloy kasi nga may mga allies sila na apektado kaya hindi na tinuloy,” giit nito.