Lakas at puwersa ng executive at legislative itotodo sa Cha-cha – Alvarez

pantaleon-alvarez

Hindi pinanghihinaan ng loob ang pinuno ng Kamara sa kabila ng resulta ng Pulse Asia survey na 64% ng mga Pinoy ay kontra sa pagbabago ng Saligang ­Batas.

Dapat nang itodo ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez ang information drive sa federalism at pag-amyenda sa diumano’y depektibong 1987 Philippine Constitution.

Kinakailangan na ani­yang balikatin ng national government ang information campaign kaugnay sa pagpapalit sa federal form of government.

Buong lakas at puwersa na ng executive at legislative branches, ayon kay Alvarez ang kailangan upang mai­parating sa lahat ng mga Filipino na dapat nang i-overhaul ang dispa­linghadong presidential form of government at Konstitusyon.

Ang reaksyon ni Alvarez ay kakawing ng March 2018 Ulat ng Ba­yan survey ng Pulse Asia na nagsasabing tatlo sa bawat apat na Filipino ay wala o may maliit na kaalaman sa pinagsusumikapang Charter change (Cha-cha) ng pamahalaan.

“We must come together and intensify the information, education and communication campaigns throughout the country to tell our people we must revise the three-decades old constitution to make it responsive to changing times,” pahayag ni Alvarez.

Muling iginiit ni Alvarez na sa ilalim ng fede­ral form of government ay mas lalago ang ekonomiya ng lahat ng rehiyon sa Pilipinas na magpapapataas sa kalidad ng buhay ng mga Pinoy.