Natapos nang talunin ang Golden State Warriors 127-101 sa kanilang Christmas Day showdown, sunod na poproblemahin ng Los Angeles Lakers kung kailangang magpahinga ni LeBron James sa mga susunod na laro.
Inabot ng left groin strain ang superstar sa third quarter, tinangkang habulin ang loose ball nang lumagutok ang singit.
Mag-isang lumakad si James papuntang locker room kahit iika-ika, hindi na bumalik sa laro. Naka-iskedyul siyang sumailalim sa MRI para malaman ang lagay ng injury.
Sa buong 1,176 career games, kulang na lang ay sabihing indestructible si LeBron. Pinakamahabang pagliban niya dahil sa injury noong 2014-15 nang mawala ng walong laro dahil sa pananakit ng likod at tuhod.
Huling lumiban ng laro si LeBron noong April 12, 2017 – last game ng 2016-17 regular season. Walang palya siyang sumalang sa 156 straight games ng regular season at playoffs.
Naghahanda na si coach Luke Walton sa posibleng pagkawala ni James sa dayo ng 19-14 Lakers sa Sacramento bukas.
“I take a lot of pride in it,” ani LeBron sa kanyang tuloy-tuloy na laro. “That’s why it (angered me) not to be able to go back into the game. It’s more than anything being available to my teammates, being available to my coaching staff. That’s something I take more personal than anything. Hopefully it’s not a long thing.”
Lamang ang Lakers 71-57 nang lumabas si LeBron na nakapaglista ng 17 points, 13 rebounds, 5 assists. (VE)