Nauwi sa stalemate ang usapan kay Tyronn Lue, pumaling agad ang Los Angeles Lakers kay Frank Vogel.
Ini-report ng Los Angeles Times na iinterbyuhin si Vogel para kilatisin kung puwede sa bakanteng puwesto ng head coach. Nitong Huwebes ay nagpunta na sa LA si Vogel, 45.
Dati na ring naging advance scout ng Lakers si Vogel noong 2005-06 season. Pagkatapos ng dalawang season bilang head coach ng Orlando Magic, nawala siya sa eksena nitong nakaraang season.
Bago sa Magic ay higit limang seasons ding tinimunan ni Vogel ang Indiana na naihatid niya sa dalawang Eastern Conference finals noong 2013 at ‘14. Sa dalawang taon na ‘yun ay tumukod ang Pacers kay LeBron James at Miami Heat.
Si Vogel ang panlimang kandidato na ininterbyu tapos sibakin ng Lakers si Luke Walton noong April 12. Bukod kay Lue, ikinonsidera rin sina Monty Williams, Juwan Howard at Jason Kidd. Kinuha na ng Phoenix Suns si Williams.
Sa pang-anim na sunod na season, napagsarhan sa playoffs ang Lakers. Sa injuries kina James, Lonzo Ball at Brandon Ingram ay tumapos lang sila ng 37-45. Nag-resign si Magic Johnson bilang president of basketball operations bago ang tipoff ng final regular season game noong April 9. (VE)