LOS ANGELES (AP) — Nagsumite si Kevin Durant ng 29 points, nine assists at six rebounds, at mu­ling nilampaso ng Golden State Warriors ang Los Angeles Lakers, 109-85, Biyernes ng gabi.

Pangalawang pagkakataon na itong tinambakan ng Warriors ang Lakers sa nakalipas na limang araw. Noong ­Miyerkules ay iniwan ng milya-­milya — 43 points — ng Golden State ang Lakers sa Oakland.

Umiskor si Stephen Curry ng 24, may 18 si Klay Thompson sa 10th straight win ng Golden State.

Malaki ang panalo, pero hindi kumbinsido si Warriors coach Steve Kerr sa laro.

“It was one of the worst basketball games I’ve seen in my life,” aniya. “We were awful, and they were awful. The people who bought tickets should get their money back, honestly.”

May 12 points at eight rebounds na sa Warriors si Draymond Green bago lumabas sa third quarter dahil sa bruised left ankle nang makabanggaan si teammate Ian Clark.

Tumapos si Jordan Clarkson ng 20 points sa Lakers, naglaro na wala sina injured starters Julius Randle, Nick Young at D’Angelo Russell. Hinayaan ng Lakers na umiskor ng 149 points ang Golden State noong Miyerkules.